Bigong aksyunan ng Sandiganbayan ang inihaing mosyon ni Ombudsman Samuel Martires upang ibasura ang kasong isinampa laban kay dating pangulong Benigno Noynoy Aquino.
Ito’y kaugnay ng mga kasong Usurpation of Authority at Graft na isinampa laban kay Aquino dahil sa madugong Mamasapano Massacre noong 2015 na ikinasawi ng 44 na miyembro SAF o Special Action Force ng PNP.
Ayon sa Sandiganbayan 4th Division, hindi pa nila maaaring aksyunan ang inihiang mosyon ni Martires dahil may umiiral na TRO o Temporary Restraining Order na inilabas ng Korte Suprema kaugnay nito.
Dahil dito, hindi pa maaaring dinggin ng Anti-Graft Court ang inihaing mosyon ni Martires hangga’t hindi pa binabawi ng High Tribunal ang inilabas nitong TRO.
Personal na humarap si Martires sa Sandiganbayan at iginiit nito na ang pag-aabsuwelto kay Aquino ay dahil sa kawalan ng ebidensya batay sa ginawang pagrepaso sa resolusyon nito noong Hunyo at Setyembre ng taong 2017.
Magugunitang kinasuhan ng Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide sina Aquino ang nuo’y suspendidong PNP chief na si Allan Purisima at dating SAF director Getulio Napeñas.