Ikinalungkot ng Malakanyang ang pagbasura ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) sa nominasyon kay Secretary Judy Taguiwalo sa DSWD o Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, malaki ang nagawang impact ng kalihim sa buhay ng maraming mahihirap na mga Pilipino sa panahon ng kaniyang panunungkulan.
Dagdag pa ni Abella, nagsilbi aniya ng may buong dedikasyon at dignidad sa administrasyong Duterte si Taguiwalo at inilaan nito ang kaniyang sarili para sa paglilingkod sa mga mahihirap na Pilipino.
Kasunod nito, sinabi ni Abella na sinimulan nang maghanap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng papalit kay Taguiwalo at pinag-aaralan na nito ang ilang personalidad para sa nasabing posisyon.
Duterte admin target na maibaba ang antas ng kahirapan
Inihayag ng Malakanyang na marami pang dapat gawin upang ganap na maipatupad ang mga makabuluhang reporma at pagbabago sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kasunod ng inilabas na survey ng SWS o Social Weather Stations mula Hunyo 23 hanggang 26.
Batay sa nasabing survey, pumalo sa +40 ang net personal optimism o positibo sa mga ginagawa ng pamahalaan habang +27 naman sa ekonomiya.
Giit ni Abella, may mga nagawa nang pagbabago ang administrasyong Duterte para sa marginalized at pinakamahihirap na sektor sa lipunan sa layuning maibaba ang antas ng kahirapan ng hanggang 40% sa taong 2022.