Hiniling ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon na kumukuwestyon sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law.
Sa consolidated comment na isinumite sa Supreme Court, inihayag ng Solgen na depektibo at walang merito ang mga petisyon ng mga militanteng kongresista at ng grupong Laban Konsyumer Incorporated laban sa TRAIN Law.
Ayon sa O.S.G., lubhang magdurusa ang gobyerno at publiko kapag ipinawalang-bisa ang Tax Reform Law lalo’t inaasahang aabot sa 89.9 Billion Pesos ang incremental revenues o kita mula sa TRAIN Law sa 2018 at 786 Billion Pesos sa unang limang taon.
Magreresulta din anila ito sa mas mababang budget at kaunting investment sa mga priority program ng gobyerno sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura at iba pang social services kapag idineklarang labag sa konstitusyon ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Iginiit ng OSG na epektibo ang TRAIN Law dahil nadarama na ng mga income wage earner ang mga benepisyo ng mas malaking take home pay habang ang mga non-wage earners ay natanggap na ang kanilang unconditional cash transfer.