Muling ipinanawagan ng rice watch group na Bantay Bigas ang pagbasura sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law sa kabila ng hindi maawat na pagtaas ng presyo ng pagkain, lalo ng bigas.
Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estabillo, malaki na masyado ang lugi ng mga magsasaka kaya’t hindi na nila kakayaning tiisin pa ng anim na taon ang implementasyon ng nasabing batas.
Dahil anya sa Rice Tariffication Law ay mas naging prayoridad ang importasyon sa halip na tutukan ang produksyon na siya namang tunay na solusyon upang makamit ang self-sufficiency sa pagkain.
Inihayag ni Estabillo na sa katunayan ay umabot na sa 50,000 signatures ang kanilang nalikom para ibasura ang R.A. 11203 at sa halip ay palitan ito ng mas angkop na panukalang mas pakikinabangan ng mga magsasaka.
Sa ilalim ng House Bill 405 o Rice Industry Development Act, ibabalik ang regulatory powers ng national food authority na tiyakin ang sapat na supply ng pagkain, lalo ng bigas.