Welcome para sa mga employer ang panukalang magbawas ng holiday sa bansa.
Aminado si Sergio Ortiz-Luis, president ng Employers Confederation of the Philippines na magastos para sa mga employer ang magbigay ng double pay sa mga empleyado na pumapasok tuwing holidays.
Marami naman anya sa mga holiday ang hindi alam ng mga empleyado kung ano ang talagang ipinagdiriwang.
Ayon kay Ortiz-Luis, sa katunayan ay umaabot na isang buwan kung pagsasama-samahin ang lahat ng holiday sa bansa.
Bukod dito ay marami ring manggagawa mula sa manufacturing o construction industry ang apektado ng holidays dahil sila ay “no work, no pay.”
Inihayag naman ni Trade Union Congress of the Philippines, Vice President Louie Corral na ginastusan na ang pagsasabatas ng pagdaragdag ng non-working holidays, kaya hindi na dapat muling pagkagastusan ang pagpapanukala na bawasan ang mga ito.
Sakaling bawasan ay paglabag anya ito sa Labor Code Article 100 na diminution of benefits.
Ipinanawagan ni Corral na sa halip na magbawas ng holidays, tutukan na lang ang pagbabawas singil sa kuryente at ibang isyu tulad ng food security na nagpapahirap sa mga pilipino.