Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang pinaka-mainam na paraan upang tuluyang mabawi ang lahat ng mga umano’y ‘nakaw na yaman’ mula sa pamilya Marcos.
Ito’y makaraang ihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinakausap siya ng isang emisaryo mula sa pamilya Marcos upang ibalik ang bahagi ng ilang ‘nakaw na yaman’.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nauunawaan nila ang pahiwatig ng ilang partido kung paano maililipat sa gobyerno ang assets ng pamilya Marcos at agad itong ipapaalam sa publiko sakaling magkaroon ng linaw.
Kasunod nito, tiniyak din ng Malakanyang na mangingibabaw ang interes ng sambayanan at naaayon sa batas ang mga gagawing pagpasok ng pamahalaan sa isang kasunduan sa pamiya Marcos hinggil sa nasabing usapin.
Mabilis na paraan para mabawi ang ‘nakaw na yaman’ sa gov’t ng pamilya Marcos suportado ng PCGG
Bukas ang PCGG o Presidential Commission on Good Government sa anumang hakbang upang mabilis na mabawi ang mga umano’y tagong yaman ng pamilya Marcos.
Ayon kay PCGG Acting Chair Reynold Munsayac, bagama’t sinusuportahan nila ang tindig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin, ngunit hindi nila matitiyak ang pag-atras nila sa kaso laban sa pamilya sa Sandiganbayan.
Gayunman, hindi naman aniya isinasantabi ng PCGG ang mungkahing dumaan sa isang settlement ang pamahalaan at ang pamilya Marcos kung ito aniya ang paraan upang mabilis na mabawi ang mga hinahabol na yaman.
Kasunod nito, kontra naman si dating PCGG Commissioner Ruben Carranza sa naturang hakbang at iginiit na hindi kailangang makipag-negosasyon ang pamahalaan sa pamilya Marcos kaugnay dito.