Pinababawi ng negosyante at dating economic adviser na si Michael Yang ang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng Senate Blue Ribbon Committee noong September 7.
Ito ay dahil sa hindi naman daw naisilbi ang subpoena sa kanya at bago ang hearing ay nakapag abiso din siya na dadalo sa pagdinig.
Ito ang isa sa nilalaman ng Petition for Certiorari and Prohibition na ipa file ng abogado ni Yang na si Atty Raymond Fortun sa Korte Suprema ngayong alas 10 ng umaga.
Nakapaloob din sa petisyon na ideklarang walang bisa ang warrant of arrest na inisyu kay Yang ng komite noong September 10 dahil sa umanoy pagsisinungaling at pagiging evasive.
Iginiit ng kampo ni Yang na sinasagot naman nito ang mga tanong alinsunod sa pagkakaintindi nya at hindi daw ang komite ang dapat na tanging maghusga kung nagsisinungaling ang isang resource person.
Hiniling din ni Yang na ideklawang walang bisa ang look-out bulletin laban sa kanya ito ay dahil sa wala namang kaso na naipafile laban sa kanya sa alinmang korte, kahit sa Department of Justice o sa Ombudsman.
Ang look-out bulletin daw ay paglabag sa kanyang Constitutional Right to Travel at sa Presumption of Innocence.
Sa kabila ng naturang petisyon, tiniyak ni Atty. Fortun na muling dadalo si Yang sa panibagong pagdinig ng Blue Ribbon Committee bukas. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)