Isinulong ng isang mambabatas ang pag-regulate sa electronic cigarettes at iba pang vaping products sa mga pamilihan sa bansa dahil sa ito’y mapanganib umano sa kalusugan at hindi ligtas gamitin.
Batay sa House Bill no. 40 ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, pinahihigpitan nito ang paggamit, pagbebenta at distribusyon ng Electronic Nicotine Delivery System o ENDS products na nagsisilbing alternatibo sa sigarilyo.
Nakasaad sa bill na bawal nang bumili o gumamit ng mga vaping products ang mga menor de edad at dapat ding nakalagay ang pagbabawal na ito sa mga nabanggit na produkto.
Ang mga mapatutunayang lumabag dito ay papatawan ng 5,000 pisong multa o kulong ng hindi bababa sa 30 araw sa unang paglabag.
10,000 pisong multa naman ang ipapataw sa ikalawang paglabag o 30 araw na kulong at may kasamang kanselasyon ng business permit sa kasunod na paglabag.
Giit ng mambabatas, lumalabas sa mga pag-aaral na hindi totoo ang sinasabi ng mga gumagawa ng e-cigarettes na walang nicotine ang kanilang mga produkto.