Itinanggi ng Land Transportation Office o LTO na nagbebenta sila ng driver’s license online o sa pamamagitan ng internet.
Kasunod ito ng lumabas sa motoring magazine na Top Gear Philippines noong isang linggo na isang post sa social networking site na Facebook ang nag-aalok ng lehitimong professional driver’s license.
Nagkakahalaga umano ito ng P1,500 at nagmula mismo sa central office ng LTO sa Quezon City at may kasama pa itong kumpletong resibo.
Ayon kay Jason Salvador, tagapagsalita ng LTO, pinasisiyasat na nila ang nasabing bagay at hindi nila ito kukunsintehin.
Kasunod nito, nagbabala ang LTO sa mga naglipanang fixer o di kaya’y namemeke ng lisensya bunsod na rin ng kakulangan sa suplay ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng driver’s license.
By Jaymark Dagala