Pinakikilos na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang anti-cybercrime group para bantayan ang galaw ng mga nagsasamantala sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Ito’y makaraang ibunyag ng Bureau of Immigration na may ilang kawatan ang ginagamit ang ahensya para magbenta ng pekeng entry permit sa mga dayuhan sa pamamagitan ng social media.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, titiyakin nilang mananagot ang mga pasaway dahil hindi aniya ito katanggap-tanggap na magsamantala sa panahon ng pandemiya.
Modus ng mga kawatan na magturo ng immigration officer sa mga dayuhan upang siyang mag-ayos umano ng permit sa kanilang pagpasok sa bansa subalit ang totoo’y bogus pala.
Sinabi ng PNP Chief na maliban sa mga pekeng entry permit, kanila ring tinututukan ang iligal na pagbebenta ng mga pekeng vacccination cards at RT-PCR test result online.
Kaya naman nanawagan si Eleazar na agad isumbong sa mga awtoridad sakaling maengkuwentro nila ang mga kawatan upang hindi na makapambiktima pa.