Posibleng hindi magtagal ang pagbebenta ng mas murang bigas ng National Food Authority (NFA) sa ilang Kadiwa centers, lalo sa Metro Manila.
Ito, ayon kay Bantay Bigas President Cathy Estavillo, ay dahil manipis ang buffer stock ng NFA.
Batay anya sa kanilang datos, 33,000 metric tons ng bigas ang kinokonsumo ng bansa kada araw kaya’t maaaring tumagal lamang ng tatlong araw ang supply ng nFA.
Ipinunto ni Estavillo na hindi na mandato ng NFA na magbenta ng murang bigas.
Tinanggal na anya ang mandatong ito sa NFA maging ang pagkakaroon ng buffer stock na maaaring gamitin tuwing may kalamidad, simula nang ipatupad ang Rice Tarrification Law.
Sa kabila nito, kumbinsido si Estavillo na posible pa rin na makapagbenta ng P20 na kada kilo ng bigas kung i-re-repeal ang Rice Tarrification Law at daragdagan ang subsidiya para sa mga magsasaka.