Ikinadismaya ng NHA o National Housing Authority ang ulat na ilang mga miyembro ng KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang nagbebenta ng ang mga inokupa nilang housing units sa Pandi Bulacan noong 2017.
Ayon kay NHA Spokesperson Elsie Trinidad, nakakuha sila ng kopya ng video mula sa isang prospective buyer kung saan makikitang iniaalok ng isang miyembro ng KADAMAY ang isang housing unit sa halagang dalawampu hanggang tatlumpong libong Piso.
Paliwanag ni Trinidad, lumapit sa kanila ang nasabing buyer para matiyak kung ligal ang pagbili nang nasabing bahay.
Ikinalungkot din ni Trinidad na bagama’t hindi pa natatapos ang proseso sa validation ng nasa walong libong mga KADAMAY members na umokupa sa mga pabahay ay ibinebenta na ng mga ito ang mga units.
Samantala, kinumpirma naman ni KADAMAY National Chairperson Gloria Arellano na miyembro ng kanilang grupo ang nakuhanan sa video na nagbebenta ng housing units.
Ayon kay Arellano, hindi nila kinukunsinti ang nasabing gawain at tiniyak na iniimbestigahan na nila ang pangyayari.