Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang tuloy-tuloy na tulong na ibibigay nila sa mga nasalanta ng bagyong Lando.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Mina Marasigan, tagapagsalita ng ahensya na handa silang tumulong hanggang sa makabangon ang mga nasalanta.
“Talagang itong ayuda na ibinibigay naman natin sa ating mga kababayan ay i-eextend po natin hanggang sa kinakailangan po nila at tutulungan po natin sila na patuloy na makabangon.” Ani Marasigan
Sa katunayan, nagtungo na aniya sa Aurora na isa sa mga malubhang sinalanta ng bagyo ang kanilang task force ground zero na magtitiyak na nabibigyan ng assistance ang ating mga kababayan.
Samantala, sa ngayon ayon kay Marasigan ay 46 ang naitatala nilang namatay dahil sa bagyo.
Habang mahigit sa 80 naman ang sugatan at 5 pa rin ang nawawala.
Nananatili pa rin ang state of calamity sa ilang lugar sa bansa dahil sa epekto ni bagyong Lando.
“Para roon sa mga areas na dineclare ang state of calamity na dalawa pong probinsiya, 1 city at 11 municipalities po ito.” Pahayag ni Marasigan.
Relief goods
Samantala, nagpapatuloy ang pagpapadala ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ng relief supplies sa mga naapektuhan ng bagyong Lando sa Luzon.
Ayon sa DSWD, pumalo na sa halos 160,000 family food packs ang puwede nang i-deliver sa mga apektadong lugar sa NCR, Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON.
Sa kabuuan, aabot na sa mahigit 900 milyong piso ang naipamahagi ng mga field office ng DSWD.
Tiniyak naman ng Malakanyang na mas paiigtingin pa nito ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Lando.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor para matulungan ang mga biktima ng bagyo.
Patunay rin aniya sa effort ng pamahalaan ang pagkilala rito ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction.
Dagdag ni Valte, ang koordinasyon ng national government, mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor ang dahilan kung bakit aniya naging matagumpay ang paglilikas ng mga Pinoy sa mga delikadong lugar.
By Allan Francisco | Sapol ni Jarius Bondoc