Hinikayat ng Lawyers for Commuter’s Safety and Protection o LCSP ang Inter-Agency Task Force o IATF na magbigay na lang ng insentibo sa mga masunuring nagsusuot ng face shield.
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton ay para mahimok ang publiko na ipagpatuloy lang ang mandatory na pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Inton, wala namang pinagbago ito sa pagbibigay pabuya sa mga nabakunahan na kontra COVID-19 sa sektor ng manggagawa gayundin ang pagbibigay diskuwento naman sa pampublikong transportasyon.
Pero patutsada ni Inton, wala naman aniyang batayan sa siyensya ang pagsusuot ng face shield na bukod sa magastos ay wala aniyang garantiya na makapipigil ito sa pagtama ng virus sa tao.
Ang katotohanan ani Inton ay ginagawa lamang sumbrero ng publiko ang face shield dahil hirap silang huminga kapag suot ito at mas malala aniya, hindi rin palagiang nagsusuot nito ang mismong naninita at nagpapatupad ng polisiya.