Muling pina-alalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng private-sector employer sa umiiral na batas kaugnay sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.
Ito ang inihayag ni DOLE Spokesman Rolly Francia sa gitna ng hinaing ng ilang employer na maaaring hindi nila maibigay ang 13th month pay dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng Presidential Decree 851, obligado ang mga employer na magbigay ng 13th month pay sa mismo o bago mag-december 24.
Ayon kay Francia, may panahon pa upang pag-aralan ang sitwasyon at dapat hintayin ang advisory ng kagawaran kaugnay sa issue.
Ikinukunsidera naman anya ng DOLE na tulungan ang mga apektadong kumpanya gaya ng proposal noong isang taon, kung maglalabas ng dagdag na pondo para saklolohan ang mga employer sa pagbibigay ng 13th month pay.
Una nang inihayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na magiging mahirap para sa ilang industriya na maglabas ng 13th-month pay, partikular ang mga labis na naapektuhan ng pandemya.—sa panulat ni Drew Nacino