Inanunsyo ni House Speaker Martin Romualdez na magpapaabot ang pamahalaan ng tulong sa pamilya ng mga sundalong apektado ng nangyaring sagupaan sa Lanao del Norte.
Ito ay matapos magbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mamahagi ng cash, educational, at livelihood assistance sa pamilya ng anim na nasawing sundalo, gayundin sa mga sugatan, matapos makipag-engkwentro laban sa Dawlah Islamiyah-Maute group.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa ginanap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Sultan Kudarat.
Nauna nang nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Marcos sa pamilya ng mga napaslang na sundalo at nangakong patuloy na palalakasin ng pamahalaan ang kampanya laban sa mga teroristang grupo.
Samantala, naglunsad na ang militar ng manhunt operations laban sa mga terorista.