Pinag-aaralan pa ng pamahalaan na isama ang higit 11,000 empleyado ng ABS-CBN na maapektuhan sa pagsasara ng network sa ilalim ng COVID-19 cash assistance program.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na iba’t-iba mang posisyon ang mga empleyadong maaapektuhan ng naturang pagsasara ng network, maaari naman silang mabigyan ng ayuda ng pamahalaan sa pamamagitan ng Small Business Wage Subsidy Program (SBWS) na layong tumulong sa mga pamilyang nasa middle-class ngayong may COVID-19 crisis.
Sa ilalim kasi ng programa, tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 tulong pinansyal ang mga apektadong manggagawa, na naka-depende sa kanilang minimum wage sa kanilang rehiyon.
Samantala, bago pa man mag-off air ang ABS-CBN, ay siniguro naman na walang manggagawa nito ang matatanggal sa trabaho at patuloy pang tatanggap ng mga employment benefits.
Ito’y kahit na hindi pa natitiyak ang muling pagsasahimpapawid ng network.