Hindi pa panahon para bigyan ng grado si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga nagawa sa bansa .
Inihayag ito sa DWIZ ni Political Analyst Professor Clarita Carlos kasunod ng ika-isang daang araw ni Pangulong Duterte sa puwesto.
Pero kung pagsisikap aniya ang pag-uusapan, bibigyan niya ang Pangulo ng gradong 10 subalit bagsak sa foreign policy.
Pag tindig ng Pilipinas ng walang tulong ang US di sinang ayunan
Hindi sang-ayon si Political Analyst Clarita Carlos sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kayang tumindig ng Pilipinas kahit walang tulong ang Amerika.
Inihayag ito sa DWIZ ni Carlos sa harap ng matapang na pahayag ng Pangulo na hindi magugutom ang bansa kahit alisin ang tulong ng ibang mga bansa.
Sinabi ni Carlos na maraming tratado ang Pilipinas sa Amerika at malalim na ang naging ugnayan ng dalawang bansa na hindi basta basta tatapusin ng isang iglap lang.
Mga Gabinete ng Pangulo pinayuhan
Pinayuhan ni political analyst Clarita Carlos ang mga gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na payuhan o paalalahanan si Pangulong Rodrigo Duterte kung inaakalang nalilisya na ito sa kanyang mga ipinapahayag na ang nakasalalay ay ang interes ng bansa.
Sinabi sa DWIZ ni Professor Carlos na hindi dapat hayaang magsalita ng magsalita ang Pangulo lalo na kung posibleng makaapekto ito sa pambansang interes.
Kaya aniya nasa puwesto ang mga ito ay upang tulungan at alalayan ang pangulo sa pagpapatakbo sa bansa.
Bansa, maganda ang economic fundamentals ngayon
Maganda ang economic fundamentals na tinatamasa ngayon ng bansa.
Gayonman, sinabi sa DWIZ ni Political Analyst Professor Clarita Carlos na hindi ito lahat maike-credit sa Duterte Administration dahil dapat ding kilalanin ang mga naitanim ng mga nakalipas na administrasyon.
Sinabi ni Carlos na ang Pilipinas ang isa sa pinakamataas ang growth ng gross domestic product at maganda ito para sa pagnenegosyo.
Umaasa si Carlos na magtuloy-tuloy ang magandang katatagan ng bansa hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
By: Aileen Taliping