Hindi pinayagan ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority ang tinatayang 200 mga draybers ng Angkas Motorcycle Hailing Services na magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero ng MRT3.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, bagaman maganda ang intensyon ng Angkas, kailangan pa rin nilang dumaan sa tamang proseso para rin sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Gayundin ang ipinunto ni Atty. Aileen Lizada, Spokesperson at Board Member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Ayon kay Lizada sakaling magkaruon ng disgrasya o problema, walang pwedeng habulin o panagutin dahil walang prangkisa o business permit ang Angkas.
Magugunitang ipinatigil ng LTFRB ang operasyon ng Angkas dahil sa kawalan ng mga dokumento para sila ay makapasok sa industriya ng transportasyon.
Nakatakda naman ang isang dayalogo sa pagitan ng LTRFB at Angkas sa December 12 para mapag usapan ang problema.