Isinusulong ng isang mambabatas ang panukalang bumuo ng Office of the Philippine Marshals Service sa ilalim ng pamamahala ng Korte Suprema.
Ayon kay Deputy Speaker Johnny Pimentel, kanyang inihain ang House Bill 5403 bilang tugon sa panawagan ni Chief Justice Diosdado Peralta na magkaroon ng marshal service para sa hudikatura sa gitna na rin ng sunod-sunod na insidente ng pag-atake sa mga hukom.
Sa ilalim ng panukala ni Pimentel, magsisilbi bilang law enforcement agency ng hudikatura ang itatatag na Philippine Marshals Service na may tungkuling magbigay proteksyon sa mga miyembro ng Judiciary.
Sinabi ni Pimentel, sa kasalukuyan ay maaari lamang humiling ng police security ang mga hukom mula sa Philippine National Police (PNP) na aniya’y hindi sapat.
Nakapaloob sa House Bill 5403, ang chief justice ang magtatalaga ng direktor na mamumuno sa Philippine Marshals Service gayundin ang pagtukoy sa organizational structure, composition at bilang ng mga miyembro nito.