Kapag nasa restaurant, kadalasang may ibinibigay sa ating libreng tinapay bago dumating ang inorder nating pagkain.
Masaya natin itong tinatanggap dahil wala na ngang bayad, nakakakain pa tayo habang naghihintay. Ngunit alam mo bang may malalim palang dahilan sa likod nito?
Nagdudulot ng pagtaas ng blood sugar level ang carbohydrates na matatagpuan sa tinapay. Upang bumalik sa normal ang blood sugar, naglalabas ang pancreas ng insulin na nagiging dahilan naman ng hunger o pagkagutom.
Ayon kay Dr. David Ludwig, isang endocrinologist at nutrition professor sa Harvard University, “foolproof way” para sa mga restaurant ang pagbibigay ng tinapay sa kanilang customers upang mas ganahan silang kumain at mas marami silang i-order.
Dagdag pa niya, maging ang fast-digesting tropical fruits katulad ng saging ay may kaparehong epekto.
Kahit na nagmumukhang mapagbigay ang mga restaurant, estratehiya nila ito upang mas lumaki ang kanilang kita. Kaya sa susunod na bigyan ka ng libreng tinapay, tandaan mo ang impormasyong ito at kumain lamang nang tama at sapat para sa iyong katawan.