Isinusulong sa mababang kapulungan ng Kongreso ang resolusyong magbibigay ng P1 milyon sa itinuturing na pinakamatandang tao hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Ito’y makaraang mapaulat na posibleng galing sa Pilipinas ang world’s oldest living person na ipinasa na sa Guinness world records para kay Francisca Susano, 124 na taong gulang.
Ipinanganak si Lola Francisca noong Setyembre 11, 1897, mas matanda sa kasalukuyang record holder na si Kane Tanaka ng Japan na ipinanganak naman taong 1903.
Ayon kay Senior Citizen Party-List Rep. Rodolfo Ordanes, dapat ituring na national treasure si Lola Francisca lalo’t nasaksihan nito ang mga mahalagang yugto sa kasaysayan ng bansa sa nakalipas na mahigit isang siglo.
Mas matanda pa si Susano sa deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya, nasaksihan ang digmaan ng Pilipinas at Amerika, nalampasan ang una at ikalawang digmaang pandaigdig maging ang kalamidad.—sa panulat ni Drew Nacino