Pinaboran ng Confederation of Filipino Workers (CFW), ang pagbibigay ng “paid isolation at quarantine leave” sa mga workers na tatamaan ng COVID-19 maging ang mga naka-close contact ng pasyenteng nagpositibo sa nakakahawang sakit.
Ayon kay CFW Vice President Angie De Ocampo, hindi sila naniniwala sa naging pahayag ni presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo na makapagbigay ng paid isolation leave para sa mga manggagawa.
Bukod pa diyan, tinutulan rinng naturang grupo ang labor advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hinihikayat lamang ang mga employers na magbigay ng isolation leave sa kanilang mga empleyado sa gitna ng pandemiya.
Sinabi pa ni De Ocampo na makikipag-ugnayan na sila kay Labor Sec. Silvestre Bello, III upang agarang ipatupad ang mandatory sa “paid isolation at quarantine leave.” —sa panulat ni Angelica Doctolero