Sinopla ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta si House Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza hinggil sa pagtitiyak nitong babalik sa himpapawid ang TV network giant na ABS-CBN.
Ayon kay Marcoleta na isa sa mga pangunahing tumutol sa muling pagbibigay ng prangkisa sa nasabing broadcast giant, tiyak na daraan sa butas ng karayom bago muling bumalik sa himpapawid ang nasabing kumpaniya.
Bagama’t may karapatan naman aniya ang ABS-CBN na muling mag-apply para sa kanilang prangkisa subalit nakadepende pa kung maaaprubahan ito sa committee level pa lamang kung saan ito unang nabasura.
Tatlong puntos ang binigyang diin ni Marcoleta para maging posible ang sinasabi ni Atienza, una ay kung nagkaroon nga ba ng reporma, ikalawa ay kung nagkaroon ba ang kumpaniya ng bagong pangasiwaan o management at ang ikatlo ay kung natugunan ba ang lahat ng mga naging paglabag nito.
Giit pa ni Marcoleta, isa-isang hihimayin ang lahat ng mga probisyon sa prangkisa ng ABS-CBN kaya’t matatagalan pa bago ito mapagbigyan.