Hindi na bago sa atin ang konsepto ng “brain drain”. Ito ang pag-alis ng mga taong highly educated at trained mula sa sarili nitong bansa, tulad ng Pilipinas, papunta sa ibang bansa upang doon na magtrabaho at manirahan.
Ito ang nais baguhin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., partikular na sa mga sektor ng healthcare at information technology (IT).
Sa ikalimang pagpupulong kasama ang Private Sector Advisory Council-Jobs Sector Group (PSAC-Jobs) sa Malacañang, inamin ng PSAC officials na hindi nito kayang tapatan ang sahod na inaalok ng IT companies at healthcare facilities mula sa United Kingdom, United States, Australia, at Europe. Dahil dito, kailangang mag-focus ng Pilipinas sa patuloy na pagsasanay sa mga bagong manggagawa sa mga nabanggit na industriya sa pamamagitan ng certification system.
Sa certification system, maaaring makakuha ng healthcare at IT scholarships ang qualified applicants. Dito, kailangan muna nilang magtrabaho sa Pilipinas sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon bago pahintulutang makapag-ibang bansa. Suportado ni Pangulong Marcos ang panukalang ito.
Samantala, iminungkahi rin ng PSAC-Jobs na palakasin ang naunang direktiba ng Pangulo na gawing prayoridad ang paglikha ng coordinated game plan kung saan makikipag-ugnayan ang ilang ahensya ng pamahalaan sa ibang bansa ukol sa pagkuha ng Filipino workers.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), Department of Migrant Workers (DMW), at Department of Foreign Affairs (DFA) na makipag-negosasyon sa foreign governments upang matugunan ang isyu ng brain drain.
Nanawagan din ang PSAC-Jobs na suportahan ang human resources for healthcare master plan ng DOH. Ayon sa advisory council, sa ganitong paraan mabibigyan ng oras ang bansa na panatilihin ang suplay ng mga manggagawa sa bansa.