Inirekomenda ng isang mambabatas sa Administrasyong Marcos ang paggawad ng ilang “Special powers” upang makatulong sa mataas na sa presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ito ay matapos maitala ang 6.1% na pagbilis ng inflation rate sa buwan ng hunyo na pinakamataas mula noong November 2018.
Ayon kay Albay Representative Joey Salceda, dapat magkaroon ang pamahalaan ng “Anti-hoarding powers” upang mapigilan ang pagkuha ng sobra-sobra sa pangangailangan para sa negosyo, pansarili o kunsumo sa bahay.
Sinabi ni Salceda na dapat ding magkaroon ng kakayahan o kapangyarihan ang Pangulo, na magkaloob ng insentibo sa produksyon ng mga essential products para maging matatag ang presyo at suplay ng mga produkto sa bansa.
Isinusulong din ng kinatawan na magkaroon ng kapangyarihan ang Pangulo para makapagbigay ng loans at guarantees sa mga supplier ng produkto.
Bukod pa dito, kailangan din ng “Anti-price-gouging powers” o yung mataas na pagpapataw ng presyo; “Transport emergency powers” para naman magamit ang mga private road at mapadali ang paggawa at paghahatid ng mga produkto sa Pilipinas.
Samantala, nais din ni Salceda na immobilize ang mga uniformed personnel para mapabilis ang mga proyektong pang-imprastraktura kasabay ng pagkakaroon ng motu proprio powers sa mga ahensya ng gobyerno, upang masilip ang mga posibleng pang aabuso sa merkado partikular na sa energy at essential goods sector.