Itinanggi ng Malakanyang na nais bigyan ng “special treatment” ng Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang Russian drug suspects.
Nais ng Pangulo na ilagay sa maayos na kulungan ang dalawang Russian drug suspects at matiyak na mabibigyan ito ng patas na paglilitis.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi ito maituturing na pagbibigay ng special treatment dahil legal at nasa kapangyarihan ito ng Pangulo.
Sinabi ni Roque na ang maituturing na special treatment ay ang pagkakaroon ng sariling kulungan ni Senador Leila De Lima sa halip na madetine sa Muntinlupa City Jail at US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nakakulong naman sa Camp Aguinaldo.
Idinagdag pa ni Roque na ginagawa ito ng Pangulo upang lalong mapalapit ang relasyon ng Pilipinas sa Russia.