Hinimok ng ilang food producer si Pangulong Bongbong Marcos na tutukan ang mga kinakaharap na hamon ng agriculture at livestock sectors sa harap ng nagbabadyang global food crisis.
Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estabillo, bilang short term solution, dapat bigyan ng subsidiya ang mga magsasaka ngayong planting season upang makapagtanim ng mas maraming crops at makapag-ani rin ng mas marami.
Una nang ipinag-utos ni Marcos, bilang Kalihim ng Department of Agriculture ang agarang implementasyon ng “Masagana 150” at “Masagana 200” upang mapalakas ang food production.
Layunin ng mga nasabing programa na makapag-produce ng 150 hanggang 200 kabang bigas kada ektarya.
Gayunman, inihayag ni Estabillo na sa Thailand, na isang rice exporting country, aabot lamang sa 120 cavans per hectare ang inaani kaya’t dapat pag-aralan muna ang kapasidad ng agri-sector ng Pilipinas upang makapag-plano nang maigi.
Bukod sa pagpapalakas ng produksyon ng palay at mais, dapat din anyang palakasin ang livestock production ng bansa.
Sinabi ni United Broilers Raisers Association President Bong Inciong na ang hamon ngayon kay Pangulong Marcos ay silipin ang sistema ng World Trade Organization na mayroong pumapasok na importasyon pero hindi mawawalan ng loob ang mga producers.
Pinayuhan naman ni Gregorio San Diego ng Philippine Egg Board Association ang Pangulo na dapat nang pulungin ang mga food producer upang mabatid kung gaano kalalim ang problema at makapag-rekomenda rin ng mga solusyon.