Muling hiniling ni Senadora Grace Poe ang pagbibitiw ni NFA o National Food Authority Administrator Jason Aquino.
Ito’y matapos kumpimarhin na ubos na ang buffer stock ng NFA rice maging ang suplay nito sa mga pamilihan sa buong bansa.
Ayon kay Poe, indikasyon lamang ang naging pagbubunyag ng NFA na palpak ang pamumuno ni Aquino sa nasabing ahensya kaya’t dapat na itong magbitiw.
Duda rin ang senadora na paubos na ang suplay ng NFA rice gayung mataas naman ang naging produksyon ng bigas sa bansa ngayong taon.
Kinuwestyon din ni Poe kung saan hahagilap ang pamahalaan para tiyaking may mabibiling mura at dekalidad na bigas sa mga pamilihan na siyang pangunahing inaasahan ng maraming Pilipino.
(With report from Cely Ortega- Bueno)