“Chief, it is time to let go, please let the judiciary move on.”
Ito ang isahang tinig na panawagan ng grupo ng mga huwes at mga empleyado ng Korte Suprema kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa isinagawang flag raising ceremony ngayong araw sa Korte Suprema ay binasa ni Erwin Ocson, Presidente ng Supreme Court Employee Association (SCEA) ang isang manifesto kung saan iginiit na panahon na at nararapat na magbitiw na sa puwesto ang Punong Mahistrado.
Ang nasabing manifesto ay pirmado rin ng mga lider ng Philippine Judges Association, Supreme Court Assembly of Lawyer Employees, Philippine Association of Court Employees, at ng Sandiganbayan Employees Association.
“Kami, ang buong puwersa ng Hudikatura na kinabibilangan ng mga huwes, opisyal at mga kawani sa ilalim ng inyong pamamahala ay nakiki-usap sa inyo, mahal naming Punong Mahistrado, Maria Lourdes P. A. Sereno upang gawin na ang napapanahon at nararapat na pagsasakripisyo para sa ating Hudikatura, ang institusyon na inyong pinaglaanan ng panahon at pagmamahal ng mga nakalipas na taon. Kami po ay nananawagan para na rin po sa kapakanan ng buong sambayanang Pilipino na kayo po ay bumaba na sa puwesto at magbitiw bilang Punong Mahistrado o Chief Justice.”
Binigyang diin sa manifesto na dahil sa impeachment proceedings laban kay Sereno ay nalalagay sa kahihiyan ang buong sangay ng Hudikatura at apektado na rin anila ang dangal at integridad ng buong institusyon.
“The Court can no longer endure a prolonged environment of this kind. Its officials and personnel, truly dedicated and conscientious public servants, cannot go through another set of hearing and go against each other again at the Senate.
Panawagan ng mga empleyado na para sa kabutihan ng lahat ay magparaya na lamang ang Punong Mahistrado para sa muling pagsulong ng Korte Suprema.
“Chief Justice let us please not allow history to judge you as the first woman chief justice and youngest at that to be removed from office.”
“Buong kababaan ng loob ay sama-sama kaming nananawagan sa inyo mahal naming Punong Mahistrado na kaagad na ninyong lisanin ang inyong puwesto, magparaya sa susunod na mamumuno at bigyan ng kabuuan ang Hudikatura ng pagkakataon na patuloy na sumulong at maibalik ang katahimikan at kaayusan dito. Ito na lamang an gaming nakikitang solusyon, ang gawin ninyo ang pinakamataas na sakripisyona may dangal at buong paghanga buhat sa amin.”
Nakasuot ng pulang damit ang mga empleyado na may nakalagay sa likod na “Please RESIGN Now.”
Ito na ang ikalawang ‘Red Monday Protest’ na ikinasa ng mga kawani ng Korte Suprema sa gitna ng napipintong impeachment trial kay CJ Sereno sa Senado.
By Aiza Rendon