Maghanap na lang umano ng ibang trabaho si National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Ito ang patutsada ni Senator Antonio Trillanes kay Esperon matapos nitong ikatuwiran na kulang umano sa mga equipment ang military para beripikahin ang militarisasyon ng China sa Spratly Islands partikular ang deployment nito ng missile system.
Ayon kay Trillanes, malinaw na walang inisyatibo ang kalihim upang alamin ang ginagawa ng China sa West Philippine Sea at mayroon naman anyang intelligence sharing kung saan maaaring magtanong ang kalihim sa mga kaalyadong bansa.
Samantala, inihayag ni Trillanes na batay sa impormasyong kanyang nakakalap ay demoralisado na umano ang militar sa tila pagbebenta ng ating teritoryo.
“Kaya nga may intelligence sharing e, kung ganyan ang sagot ni Secretary Esperon, ay maghanap na lang siya ng ibang trabaho kasi kulang siya sa initiative. Base sa ating impormasyon, talagang demoralized ang sandatahang lakas dito sa pag se-sell out ni Duterte sa ating mga teritoryo. Yung mga navy ships natin ngayon ay nire-restrain sila mismo ng administrasyong ito, hindi na nila nagagawa yung mga nagagawa namin noon in the navy.” Pahayg ni Senator Trillanes
Una rito, inamin ni Esperon na wala siyang natatanggap na official report kaugnay sa inilagay na missile system ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Esperon, tanging sa media niya lamang natatanggap ang mga impormasyon hinggil dito subalit tumanggi na siyang magdetalye kung may mga ginagawang pakikipag-ugnayan ang kaniyang tanggapan sa mga kaalyadong bansa hinggil dito.
Pero sinabi ni Esperon na isang teknolohiya na wala pa sa Pilipinas ang kinakailangan para matukoy.
Matatandaang itinanggi ng Palasyo na sumira ang China sa kanilang pangako na hindi na kailanman magsasagawa ng reclamation sa mga naturang teritoryo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kung talagang may inilagay na mga missile system ang China sa mga pinagtatalunang teritoryo, ito’y sa mga islang matatagal nang naroon.
Kasunod nito, muling iginiit ni Roque na may mga hakbang na silang ginagawa upang mapayapang resolbahin ang naturang usapin.
(By Jaymark Dagala)