Bubusisiin ng Senado ang tunay na dahilan ng pagbibitiw sa puwesto ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez.
Ito ay sa pamamagitan ng ipapatawag na Senate hearing ukol sa aberya sa Metro Rail Transit o MRT-3 at mga isyung nakapaloob sa Department of Transportation o DOTr.
Ayon kay Senate Committee on Public Services Chair Grace Poe, nakakabahala kung tunay ngang walang teamwork at kulang sa suporta ang liderato ng DOTr sa mga programa at proyekto para sa rehabilitasyon ng MRT.
Binigyang diin ni Poe na malabong mabigyan ng magandang serbisyo ang mga pasahero ng MRT kung walang pagkakaisa at malinaw na direksyon ang mga namumuno nito.
Samantala, sa Mababang Kapulungan naman, iginiit ni Quezon City Representative Winston Castelo na dapat malaman ang buong dahilan ng pagre-resign ni Chavez.
Binigyang diin nito na napakahalaga ng papel ni Chavez lalo’t araw araw na ang aberya sa MRT na malaking pasakit para sa publiko.
—-