Asahan na ang mas matindi pang pagbibigat ng trapiko sa Commonwealth Avenue sa Quezon city simula sa Lunes, Abril 30.
Ito ay bunsod pa rin ng mga sunod-sunod na konstruksyon ng mga imprastrakturang bahagi ng itinatayong MRT-7.
Sa abiso ng MMDA, isasara sa Lunes, Abril 30 ang west bound lane ng Regalado Highway dahil sisimulan na ang paggawa sa coping beam ng itinatayong MRT-7 sa nasabing kalsada.
Sa Mayo 1, Labor Day, sisimulan naman ang pagtatayo ng Tandang Sora station na tatagal naman ng halos isang taon ang konstruksyon.
Dahil dito, tig-tatlong lane ng northbound at south bound ng Commonwealth Avenue ang masasakop nito.
Gayundin, magsisimula na rin sa kaparehong araw ang paghuhukay sa tunnel na mag-uugnay sa elliptical road at North Avenue na tatagal naman ng walong buwan.
Apektado naman dito ang dalawang lane ng North Avenue na kinakailangang isara.
Habang sa Mayo 6, isasara naman ang Regalado Avenue mula Mindanao Avenue hanggang Commonwealth, mula alas diyes ng gabi hanggang ala singko ng umaga dahil sa nakatakdang paglalagay ng mga box girders para sa rail tracks sa nasabing lugar.
Inaasahan namang magpapalabas ng listahan ng alternatibong ruta ang mmda ngayong weekend.