Pinamamadali ni House Majority Leader Martin Romualdez sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagbili ng mga equipment para sa mas epektibong pagmonitor sa mga kalamidad tulad ng pagsabog ng bulkan, lindol at maging tsunami.
Sa gitna na rin ito ng reklamo ng ilang residente sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon sa mabagal na babala sa kanila hinggil sa phreatic explosion ng Bulkang Taal noong linggo.
Nilinaw ni Romualdez na hindi naman nila sinisisi ang PHIVOLCS sa mabagal na babala sa impact ng pagsabog.
Ipinabatid ni Romualdez na naglaan sila ng halos P222-milyong capital outlays sa mahigit P588-milyong kabuuang budget ng ahensya para sa 2020 upang makapag-upgrade ng mga kagamitan sa pagmonitor at warning program sa volcanic eruption, lindol at tsunami.
Una nang inihayag ng PHIVOLCS na maraming equipment nila tulad ng IP camera, seismometer, pangsukat ng gas at iba pa na nakalagay mismo sa main crater ng Bulkang Taal ang nasira.