Inamin ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa na naghahanap na sila ng mga posibleng donor para magbigay sa kanila ng mga body camera na kanilang gagamitin sa mga operasyon kontra iligal na droga.
Pero nilinaw ng PNP Chief na tanging sa mga mabuti at tapat na donor lang sila tatanggap ng tulong at hindi sa mga indibiduwal na miyembro rin ng ilang sindikato dahil baka humingi sila ng pabor bilang kapalit.
Sa ngayon, sinabi ni Dela Rosa na hinihintay pa nila ang budget na magmumula sa Kongreso na siyang gagamitin nila sa pagbili ng mga body camera para sa mga pulis.
Makailang beses nang sinabi ni Bato na oobligahin na niya ang mga pulis na gumamit ng body cameras sa muling pagbabalik nila sa war on drugs upang mabura na ang duda sa kanila ng publiko hinggil sa paglabag umano sa karapatang pantao.