Pinaiimbestigahan sa Kamara ang pagbili ng Commission on Elections o COMELEC ng mga vote counting machine sa Smartmatic na ginamit noong 2016 elections.
Sa inihain niyang Resolution 1647, nais ni Minority Leader at Quezon Representative Danilo Suarez na siyasatin ang pagbili ng COMELEC ng nasa siyamnapo’t pitong libong (97,000) vote counting machines na aabot sa mahigit dalawang bilyon (P2-B).
Giit ni Suarez, ang smartmatic na siyang pinagbilhan ng nasabing makina ay sangkot sa isyu ng pandaraya sa nakalipas na halalan.
Tila kwestiyunable aniya ang pagpabor ng COMELEC sa Smartmatic dahil sa kabila ng iregularidad nito ay nagawa pa ring bilhin ng ahensya ang mga vote counting machine.
Una dito, sinabi ng COMELEC na sa ganitong paraan ay mas makakatipid ang ahensya kung magiging pag-aari na nila ito kaysa upahan tuwing eleksyon.
Magugunitang inirekomenda na noon ng COMELEC Advisory Council ang pagbili sa nasabing makina dahil sa pamilyar na ang mga botante sa paggamit nito.