Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay kay Interior Secretary Eduardo Año ang pamamahala sa procurement o pagbili ng kanilang mga kagamitan.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, nagkaroon ng kalituhan sa naging ulat ng PNP hinggil sa pagbili ng mga speed gun na nagkakahalaga ng P330-M.
Paliwanag ni Banac, maituturing pa lamang na wish list ng mga pulis ang planong pagbili ng mga speed gun na may micro digital laser features para sa mas episyenteng operasyon na kontra krimen at illegal na droga.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi pa ito dumaraan sa bidding pero kanila na itong iniulat sa Pangulo at ikinagulat nilang inaprubahan na ito sa joint command conference ng AFP at PNP sa Malacañang noong isang linggo.
Kasunod nito, humingi ng paumanhin ang PNP sa Pangulo dahil sa idinulot nitong kalituhan at nakahanda naman silang ipaliwanag ang kanilang panig hinggil dito. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)