Hindi na kailangan pang bumili ng karagdagang COVID-19 vaccine ang mga Local Government Unit.
Tiniyak ni Vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez Jr. na nananatiling sapat ang supply ng bakuna kaya’t hindi dapat mangamba ang mga LGU.
Tugon ito ni Galvez sa pahayag ni Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez na itinengga ng gobyerno ang vaccine procurement applications ng mga Lokal na Pamahalaan.
Ipinunto ng kalihim na tumatanggap ang bansa ng average 1 million COVID-19 vaccines kada araw sa pagsisimula pa lamang ng Oktubre.
Tuwing dumarating anya ang mga bakuna ay agad idinedeploy ang mga ito sa mga LGU at iba pang implementing units sa bansa kaya’t walang nasasayang na oras.
Iginiit din ni Galvez na hindi na issue ang supply dahil aabot na sa 100-M bakuna ang binili ng Pilipinas o donasyon mula sa ibang bansa. —sa panulat ni Drew Nacino