Pinaiimbestigahan na rin sa senate blue ribbon committee ang umano’y kwestyunableng pagbili ng mga PPE o Personal Protective Equipment ng PITC o Philippine International Trade Corporation.
Sa kaniyang inihaing resolusyon, tinukoy ni Senador Leila De Lima ang 2020 COA report hinggil sa emergency procurement ng PITC ng iba’t ibang PPE mula sa isang supplier nang hindi umano ikinonsider ang mas mababang presyo para sa bawat item.
Batay sa COA report, nasa P186.58-M ang halaga ng sampung magkakahiwalay na kontrata na ini-award ng PITC noong Abril 1, 2020 para sa pagbili ng mga surgical mask, shoe cover, N95 mask, head covers, goggles, gloves, face shields, coveralls at aprons na para sa DOH na binili sa Biosite Medical Instruments na naka-base sa Matina, Davao City.
Sinabi ni De Lima na nakatipid sana ng halos P2.17-M kung bumili ang PITC sa ibang kumpanya na nag-alok ng mas mababang presyo.
Bukod dito, kasama rin sa pinaiimbestigahan ni De Lima ang isa pang report ng COA na nabigo ang PITC na gamitin ang mahigit P11-B na inilipat dito ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno mula 2014 hanggang 2020 para sa mga proyektong ipapa-bidding pa lamang ngayong 2021 tulad nang pagbili para sa DOH ng kama, wheelchair, ECG machines at pagpapatayo ng national reference laboratory building.—mula sa ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)