Isang potensyal na super spreader event ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos sa China sa Enero.
Ito ang babala ni dating National Task Force Against COVID-19 Adviser, Dr. Tony Leachon sa gitna ng pinaka-matindi umanong COVID-19 surge sa Tsina sa nakalipas na halos tatlong taon nang magsimula ang pandemya.
Ayon kay Leachon, dapat kumpirmahin ng pangulo mula sa Departments of Foreign Affairs at Health ang tunay na sitwasyon ng COVID-19 cases sa China.
Dapat din anyang mabatid kung binigyan na ng bivalent vaccine ang pangulo nang bumiyahe ito sa New York, USA para sa kanyang pagdalo sa United Nations Summit.
Batay sa pinaka-huling datos ng provincial government ng Zhejiang, China hanggang nitong Sabado, aabot na sa isang milyon kada araw ang COVID-19 cases dahil sa pinaniniwalaang pagkalat ng bagong Omicron subvariant na BF.7.
Gayunman, ipinatigil ng Chinese government ang paglalabas ng COVID-19 daily case report kaya’t palaisipan pa rin kung ano na ang sitwasyon.
Maliban sa Zhejiang, nakararanas din ng matinding COVID-19 surge ang ilan pang karatig lalawigan na posibleng magpatuloy hanggang Pebrero o Marso kasabay ng Lunar New Year.