Kinansela ng ilang mga mababatas sa Guam ang nakatakda sana nilang pakikipagpulong ni dating PNP Chief at kasalukuyang Bureau of Corrections Chief Ronald Dela Rosa.
Batay sa ulat ng Pacific Daily News, nakatakda sanang bumisita si Dela Rosa sa Guam Legislature sa imbitasyon na rin ni Senator Dennis Rodriguez Jr. noong Sabado.
Gayunman kinansela ito matapos na makatanggap ng batikos si Dela Rosa mula kay Guam Senator Telena Nelson dahil sa pagkakasangkot nito sa madugong kampanya ng pamahalaan ng Pilipinas kontra iligal na droga.
Sa isang pahayag sinabi ni Nelson na obligasyon ng bawat opisyal sa iba’t ibang bansa sa mundo na tumangging makasama sa anumang okasyon ang isang opisyal na sinasabing sangkot sa umano’y pagpatay sa libo-libo katao nang walang due process.
Iginiit ni Nelson, mandato nila ang protektahan ang sistema ng hudikatura.
Dahil dito, nagpasiya si Senator Dennis Rodriguez Jr. na kanselahin na ang nakatakda sanang pag-courtesy call ni Dela Rosa sa Guam Legislature para hindi na rin ito mapahiya lalo’t maraming kasamahan niyang senador ang umano’y nag-back out na rin.
—-