Kapwa ikinalugod nina PBA Party List Representative Jericho Nograles at Iligan City Representative Frederick Siao ang pasya ni CHED o Commission on Higher Education Chairperson Patricial Licuanan na magbitiw sa tungkulin.
Ayon kay PBA Party List Representative Jericho Nograles tama ang naging desisyon ni Licuanan na bumaba na sa pwesto.
Iginiit naman ni Siao na sa kabila ng pagbibitiw ni Licuanan, kinakailangan pa ring imbestigahan ang pagkakaantala sa pagpapalabas ng tulong pinansyal para sa mga K to 12 teacher-scholars.
Magugunitang, inihayag ni Licuanan ang kanyang pagbibitiw bilang chairman ng CHED sa flag raising ceremony ng komisyon kahapon.
Ayon kay Licuanan, malinaw na may mga taong determinadong masibak siya sa pwesto sa pamamagitan ng patuloy na paninira sa kanya.
Binanggit din ni Licuanan na tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong weekend kung saan hiniling nito na magbitiw na lamang siya sa pwesto.