Huli na ang ginawang paghiwalay at pagbibitiw sa puwesto ni Vice President Jejomar Binay bilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ang opinyon ng election lawyer na si Atty.Romulo Macalintal.
Ayon kay Macalintal, inconsistent si VP Binay sa kanyang mga naging aksyon dahil halos ligawan pa umano ng Bise Presidente ang Pangulong Aquino noong una para sa suporta nito.
Sinabi pa ni Macalintal na kung maagang ginawa ni Binay ang paghiwalay sa administrasyon ay naging consistent pa ito sa kanyang ginagawang pagpuna ngayon sa pamamahala ni Pangulong Aquino.
“Yung ang medyo may pagka-inconsistent sa mga pahayag sapagkat noong una nga ay halos nililigawan pa niya ang Pangulong Aquino para sa kanyang suporta ngayon bigla ang kanyang paghiwalay, pero sa akin kung sakali mang hihiwalay siya dapat noon pa, medyo late na ang kanyang paghiwalay na ito.” Ani Macalintal.
Pagpapakita ng pagiging tunay na oposisyon.
Ito din ang paniniwala ni Macalintal sa ginawang pagbanat ni Vice President Jejomar Binay sa gobyernong Aquino matapos magbitiw sa gabinete.
Sinabi sa DWIZ ni Macalintal na magiging malaya na si Binay sa mga gagawin nito ngayong kumalas na ito sa official family.
“At sana naman na maging totoo yung sinasabi na talagang siya ay magiging tunay na oposisyon, magpapakita kung ano talaga ang dapat na ipakita ng isang oposisyon sapagkat sa ngayon wala naman tayong makikita kung sino talaga yung oposisyon kaya’t maganda itong ginawa ng Vice President para mapakita niya kung talagang ano ang kanyang gagawin ngayong wala na siya sa katungkulan sa administrasyon.” Pahayag ni Macalintal.
By Mariboy Ysibido | Judith Larino | Ratsada Balita