Maaaring mapaaga ang pagbiyahe sa kalsada ng mga bagong mukha ng jeepney sa ilalim ng jeepney modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Board Member at Spokesperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB bagamat may tatlong taong transition period, marami nang transport operators ang nagsimula nang mag-order ng bagong sasakyan.
Samantala, maliban sa tulong pinansyal na magmumula sa gobyerno para ipambili ng modernong jeepney, inaayos na rin aniya ng Pag-IBIG Fund ang membership ng mga drivers.
“Sa Landbank kasi ang programa nila, gusto nila ang manghihiram sa kanila ay kooperatiba pero ang driver mismo ang magmamay-ari, Pag-IBIG naman would like to talk to us kasi gusto nilang i-miyembro ang mga PUJ para magkaroon sila ng pabahay.” Ani Lizada.
2-day strike
Handa na ang LTFRB sa dalawang araw na transport strike ng PISTON sa Lunes at Martes, September 16 at 17.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, binawasan na nila ang inihanda nilang bus para sa mga apektadong mananakay.
Mula sa dating 70 mula noong huling mag-strike ang PISTON nasa 20 bus na lamang aniya ang kanilang inihandang ayuda sa mananakay.
Gayunman, hindi pa aniya kasama dito ang iba pang sasakyang magmumula sa ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng MMDA.
Sinabi ni Lizada na wala pang isang porsyento ng mananakay ang naapektuhan sa pinakahuling transport strike na inilunsad ng PISTON at maging ng Stop and Go.
(Ratsada Balita Interview)