Kasado na ang pagbubukas ng tatlong (3) sangay ng Overseas Filipino Bank o OFBank sa gitnang silangan.
Sa ikalawang bahagi ng 2018, bubuksan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sangay ng OFBank sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi, Dubai at Bahrain.
Ayon kay OFBank Chairman Alex Buenaventura, kabilang sa mga produkto ng OFBank na kapaki-pakinabang sa Overseas Filipino Workers o OFW’s ang mas mura, mas mabilis at kumbinyenteng mobile credit to account remittance service, study now pay later loan products, payment services para sa mga government agencies at maraming iba pa.
Matatandaang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na noong una pa man ay plinano na nilang gamitin ang trust fund ng OFW’s sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA para sa pagtatatag ng bangko subalit nagkaroon ng problema kung sino ang eksperto na magpapatakbo nito.
Gayunman, sa mga susunod na panahon aniya ay maaari nang bumili ng shares ang mga OFW hanggang sa makuha nila ang buong kontrol sa OFBank.