Pinangunahan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang pormal na pagbubukas ng 50th ASEAN Foreign Ministers Meeting sa OICC kaninang umaga.
Sa kaniyang opening statement, sinabi ni Cayetano na malayo na ang narating at marami nang nagawa ang ASEAN para mapanatili ang kapayapaan, katatagan at pagsulong ng ekonomiya sa rehiyon.
Ayon pa kay Cayetano, tiwala siyang magiging makabuluhan ang mga pagpupulong partikular sa mga regional at international issues na may interes ang ASEAN members at paghahanap ng common areas of cooperation.
Sa plenary session, pinag-usapan nina Cayetano at mga counterpart niya mula Brunei, Cambodia, Indonesia, Lao, Malaysia, Myamar, Singapore, Thailand at Vietnam ang mga detalye ng tatalakayin nilang mga usapin sa 17 dialogue partners nila kabilang ang tinaguriang major powers na United States, Russia, Japan at China.
Kabilang sa mga agenda ang denuclearization ng Korean Peninsula, resolusyon ng territorial disputes sa South China Sea, terorismo, violent extremism at transnational crime.