Tuloy na tuloy na ang muling pagbubukas ng isla ng Boracay, sa Aklan sa Oktubre 26.
Ito ang inihayag ni Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Epimaco Densing III sa Senate hearing kaugnay sa nagpapatuloy na rehabilitation sa Bora, kahit pa 30 porsyento pa lamang ng mga establisyimento ang inaasahang magiging operational.
Ang nasabi anyang bilang lamang ang nakakonekta sa bagong sewer line at mayroong sariling sewage treatment plans o STP kaya’t ang mga ito ang inaasahang magbubukas sa Oktubre.
Gayunman, hindi nakuntento si Senate Environment and Natural Resources Committee Chairperson Cynthia Villar sa preparasyon ng stakeholders gayong apat na buwan na ang nakalilipas simula nang i-irehabilitate ang isla.
Nagtataka si Villar kung anong mga proseso ang ipinatupad ng mga concerned agency upang matagalan ang mga establisyimento na tumalima sa mga government policy tulad ng pagkuha ng permit at lisensya.
Ito’y makaraang aminin ni Interior Undersecretary Epimaco Densing sa Senate hearing na 71 pa lamang mula sa 440 hotels at inns na ininspeksyon ang mayroong permit at lisensya.
Kinuwestyon din ni Villar ang DILG official sa kanila umanong makupad na pag-aksyon gayong Abril pa nagsimula ang rehabilitasyon habang target nilang buksan muli ang isla sa Oktubre 26.
Ayon kay Villar, posibleng maudlot ang muling pagbubukas ng Boracay kung kaunti ang mga establisyimento sa numero unong tourist destination sa bansa.
—-