Naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Parañaque City na madaragdagan ng 100 milyong piso ang kanilang kita ngayong taon dahil sa pagbubukas ng Okada Manila na isang Casino and Resort at itinuturing na pinakamalaki sa bansa.
Maalalang nakakuha ng provisional casino license ang naturang Casino-Resort mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Ayon kay Parañaque City Administrator Ding Soriano, magmumula ang karagdagan nilang kita sa Real Property Tax, Business Tax, Clearances, at iba pang miscellaneous payments ng naturang establishimento.
Kumpiyansa rin si Soriano na matutulungan ng Casino Resort ang kanilang mga nasasakupan na mabigyan ng trabaho dahil nasa 8,000 ang iha-hire nito.
Kabilang sa mga job position ay may kinalaman sa Casino Gaming, Casino Marketing, Club Operations, Security and Surveillance, Facilities Management, Hotel Operations, Food at Beverage, at Cage Operations.
By: Avee Devierte / Allan Francisco / Race Perez