Pinatitiyak ng PNP sa Manila Police District (MPD) na hindi dapat maging super spreader event ng COVID-19 ang pagbubukas ng dolomite beach sa Manila Bay.
Ito’y ayon kay PNP chief police general Guillermo Eleazar ay matapos dagsain ng publiko ang dolomite beach nitong weekend kung kailan umabot sa 4,000 katao ang pumasyal dito.
Sinabi ni Eleazar na inatasan na niya si MPD director police brigadier general Leo Francisco na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga tagapangasiwa ng dolomite beach para solusyunan ang problema.
Sinabi naman ni Franciso na ginagawan na nila ng kaukulang solusyon kabilang ang pagpapalit nila ng mga daanan papasok at palabas ng dolomite beach at iniklian na rin nila sa limang minuto sa halip na 15 minuto ang staying time para mapagbigyan ang lahat ng mga gustong mamasyal dito.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)