Nadagdagan pa ang mga senador na nananawagang ipagpaliban ang pagbubukas ng klase na nakatakda sa Agosto 24.
Ayon kay Senador Christopher Bong Go, mas mainam kung ililipat ang pagsisimula ng klase sa Oktubre.
Ito aniya para mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante, guro at learning institutions na plantsahin ang mga kinakailangan sa blended learning.
Iginiit ni Go, hindi dapat isugal ang buhay at kaligtasan ng mga kabataan.
Hindi dapat aniyang pilitin ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 kung hindi pa handa.
Una nang nanawagan ng pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sina Senador Francis Tolentino, Nancy Binay, at Sherwin Gatchalian lalu’t mayroon nang bagong batas na maaaring baguhin ng pangulo ang pagsisimula ng pasukan —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19).